Thursday, August 27, 2009

usapang pera

medyo nabuburaot ako sa mga minutong ito dahil sa text ng empleyado nung shop na nagkabit ng gulong ng sasakyan ko. matapos akong makakuha ng magandang "deal" sa presyo ng mga pinapalitan kong gulong, eto na nga ba ang pinangangambahan ko:
siya: "sir tapos na po yung unit nyo. recommendation po palitan yung tire rod."
ako: "ha? kapapalit nyo lang nun ah?"
siya: "yun po kase ang nakita sir eh."
ako: "libre ba?"
siya: "free check-up po... P_____ parts, P______ labor."
ako: "huwag muna."


- pagtatapos ng text namin -

aba! naka diskwento nga ako. binawi naman agad sa "extra repair & labor", tumubo pa! pagdating ko sa shop para tubusin ang sasakyan, ang bungad ko doon ay "makakauwi pa naman ako ng bahay ngayon kahit di ko papalitan yung tire rod?" malumanay naman ang sagot ng shop OIC. pagkatapos ay nilibot ko yung van, tinignan yung mga gulong (wow, bagong-bago!) at pagkatapos ay kumalma na ng konti. inabot sa shop OIC ang dala-dala kong "epektos" na ipinangako kaninang una akong pumunta doon.

bumalik ako agad sa opisina dahil maraming trabaho. tumawag ako kay wifey para ibalita ang nangyari at pakiramdam ko, nangarag din sya sa pagkakabawas sa savings ni boneneng ng ganun kalaking halaga. oo. sa savings ni boneneng ako "umutang" ng panggastos kanina. yun kaseng savings nya ang hangga't maaari ay pinupunan namin kapag may biyayang dumarating, para naman magamit nya sa mga check-ups, pambili ng gatas, diapers (na sa awa ng Maylikha ay halos hindi pa kami gaanong gumagastos dito dahil sa dami ng "donasyon"), at iba pang maaaring pag-gamitan ni baby Aya.

sa ngayon ay matiyaga naming hinihintay ang makukuha kong reimbursement mula sa PHILHEALTH. dumating na kase yung sa SSS ni wifey. ang katunayan nito, ayokong-ayoko na pinag-uusapan ang pera lalo na kapag kwentahan na ang usapan. hindi ko naging ugali ang magkwenta na madalas ay pinagmumulan pa ng hindi pagkakaunawaan ng ibang mga tao. "pera lang yan", sabi nga ng iba, sa akin, totoo rin yun. oo, mahalaga ang pera at sino bang tatanggi rito, pero hindi dapat umikot dyan ang mundo ko, namin ng pamilya ko.

minsan nang nagkwenta si wifey ng monthly expenses namin (na talagang siya ang pinagagawa ko nito) at kung susumahin lahat, hindi ko at hindi niya rin maisip kung paano kami nakakatawid buwan-buwan. kase naman pagka-sweldo ko, ilang araw lang ubos na agad ang sinahod ko. oo, paminsan-minsan nagtutumba na lang kami ng lata para may maiulam pero hindi naman kami umaabot sa punto na asin at mantika na lang ang kasama ng kanin sa hapag-kainan.

sa ngayon ay nag-iisip kami ng pwede pang ibawas sa kasalukuyang tinatangkilik naming mag-asawa, bawas gastos, 'ika nga. unang nasa pila ay ang extra unit ng cell phone (at service provider na rin, bagama't prepaid lang), at naiisip na rin naming mag garage sale. hehehe... lahat gagawin alang-alang sa maginhawang pamumuhay.

pero uulitin ko: hindi kami naghihikahos. tama lang. pakiramdam ko, biyaya ng Diyos ang bumubuhay sa amin araw-araw. at minsan, nakakatulong pa ako sa ibang tao na mas nangangailangan kaysa amin. yun naman ang hinihiling ko lagi. magkaro'n man kami ng sobra, sapat sana para makatulong naman sa iba. huwag lang kaming mamalimos ng tinapay.

hay anu ba ito? kung sana ang pera ay tumutubo lang sa mga puno at halaman, malamang gubat na ang paligid ng bahay namin. kung ang pera lang ay naidudumi ng tao, marahil lagi akong kumakain ng pampaasim ng tyan para dumumi ako lagi (ang babuy, haha). pero ang pera ay pera. sa simula pa lang ng pagkakasala ng mga unang tao na nilalang, itinadhana na na ang tao ay kumain ng tinapay sa pawis ng kanyang mukha. ibig sabihin, dapat magtrabaho, magsikap at magsipag para mabuhay. pero uulitin ko, "pera lang yan".

hindi tayo dapat paalipin sa pera, kundi ang pera ang dapat na maging alipin natin.

7 comments:

  1. pag ganitong usapan expert ako e. alam mo namang yan din ang number 1 problem ko pare. ika mo nga pera lang yan at nakakatulong ka pa naman sa mas nangangailangan paminsan minsan.

    darating ang araw hindi na natin poproblemahin ang pera. maniwala ka.

    pare pag una kang yumaman sakin, wag mo ko kalimutan ha. hehe.

    goodluck sa mga hot dadding walang pera! ;)

    ReplyDelete
  2. tama ka. maraming nagtataka sa desisyon kong umuwi at i-give up ang dolyar, pero ang lagi kong sambit e hindi lahat nabubuhay lng sa pera. kung kaya naman tayong itawid ng kung anong meron tayo, ayos na yun. btw, pdalhan mo nga rin ako ng "epektos" hehehe. napahiya kasi ako nung minsang ang nadala ko e expired. bweheheh

    ReplyDelete
  3. di ako magcocomment, di pa ako makarelate... pag nagkapamilya na ako, kuya jon, malamang magsusulat din ako ng ganito...

    ReplyDelete
  4. bf kuri... "darating ang araw hindi na natin poproblemahin ang pera. maniwala ka." - oo pare, naniniwala ako dyan!

    galing ng mga hot daddies (na walang pera, hahaha)!!!

    ReplyDelete
  5. atty. aryo di yata ako sanay na ma-drama ang reaction mo. hehe. may utang ka sa akin. di ka nagparamdam nung dumalaw ka dito. sige, madami pa ko epektos. bibigyan kita pero dapat magparamdam ka :p

    ReplyDelete
  6. gilbert ok lang yan. pero sigurado ako, kapag usapang pera, kahit walang asawa at anak, makaka-relate din dito. hehehe siguro marami kang pera kaya di ka maka-relate. libre naman!!!! :p

    ReplyDelete
  7. hmmm... I know matagal mo na po wait comment ko... Jon talking abt money... he!he! di ba kuripot ka....ha!ha!ha! joke!...

    ReplyDelete

Related Posts with Thumbnails