 |
| Pamunuan ng mang-aawit, Village East, Marso 2014 |
Halos tatlong taon na rin nang mahiwalay ako sa mga kapamatok kong ito sa tungkulin... ang grupo na talagang pwedeng-pwede kong maipagmalaki pagdating sa pagtupad ng kanilang mga sagutin sa Iglesia. Dalawa sa nasa pulutong na ito ay buong puso kong ikinararangal kung ang pag-uusapan ay pangangalaga sa mga korderong lingkod ng Diyos! Tagapag-ingat, tagasubaybay, TAGAHUBOG ng kinabukasan ng mga mang-aawit sa lokal na kanilang kinabibilangan. Bago sila, matagal-tagal rin akong naging "katiwala" ng mga kabataang mang-aawit. Hindi maipaliwanag sa damdamin kapag nakikita mo ang bunga ng mga pinagpapagalan para sa mga kabataang mang-aawit. Hindi mahirap pangasiwaan ang mga batang ito. Hindi rin madali. Pero masarap sa pakiramdam. Oo. Kumbaga sa wikang Ingles, "priceless!" Walang katumbas na anumang materyal na gawad. Biyaya ng Diyos at ating karangalan kung tayo ay pagtiwalaan Niya ng gampanin sa loob ng Kaniyang bayan. Sa biyayang nabahagi ko, nakaugalian ko nang humubog din ng mga magiging lider sa hindi malaon na panahon. At hinding-hindi ako nagkamali sa mga pinili. Alam ko, udyok ito ng Diyos sa akin dahil sila talaga ang karapat-dapat. Sapat ang mga panahong natanaw nila at natutunan ang mga katangian ng isang lider sa bayan ng Diyos. May nakita man silang pagkukulang sa mga naunang lider sa kanila, nagsilbi itong aral para lalo silang maging karapat-dapat sa inihandang pagkakataon sa sandaling sila naman ang nasa unahan ng Iglesia. At ang panahong iyon ay dumating sa kanila--- taon na rin ang binibilang hanggang sa mga sandaling ito. PANATAg. Ito ang salitang gusto kong sabihin lagi sa kanila. Ang kawan na matagal na panahon naming iningatan, ngayon ay nasa kanilang mapag-arugang mga kamay.
 |
ang orihinal: si Lyca Timotea
(larawan mula sa FB nya) |
At ngayon sa inyong SABAY na kaarawan, ang hiling ko... sa iyo, Ate Lyn, ibayo pang kalakasan ng katawan--- malayo sa mabibigat na karamdaman para lalo pang magamit mo ang buhay at lakas sa pagtupad ng iyong mga banal na sagutin sa Diyos. Alam ko kung gaano mo kamahal ang mga "anak" mo sa PNK. Walang makakaagaw sa iyo ng karapatang iyan dahil lagi mo itong ipinananalangin sa Diyos. Batid Niya kung gaano ka kaligaya sa piling ng mga kabataan, sa pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin. At lalo kang maligaya kapag dumating ang mga panahon na kasa-kasama mo na silang tumutupad ng tungkulin sa mga pagsamba. Hindi nasayang ang mga pagpapagal. PURIHIN ANG DIYOS! At salamat sa pagsapit ng iyong kaarawan ngayon ay may pagsamba sa Kaniya... pagkakataon para sa mga unang oras ng buhay mo sa araw na ito ay SIYA agad ang iyong makasama at buong galak na pasalamatan!
 |
"nung ako'y bata pa...."
(larawan mula sa FB nya) |
Sa iyo, Lily Jane, bata ka pa lang, malaki na ang potensyal mo na maging tagapanguna sa bayan ng Diyos. Nasaksihan ko ang kabataan mo, hanggang sa maatasan ka ng gampanin na lalong maghahanda sa 'yo sa mga kasalukuyan mong sagutin. Nasaksihan ko ang dalamhati mo kapag may pagtupad na hindi perpekto. Nasaksihan ko ang kaligayahan mo kapag busog ang kaluluwa mo sa biyayang natamo sa maghapong pagtupad ng mga tungkulin. Nakita kong napagod ka, pero patuloy na nagsisikap HUWAG LANG MAGKULANG SA PAGDADALA NG TUNGKULIN. Nakita ko kung paano ka nagtatanggi ng sarili alang-alang sa pagganap ng mga saguting iniatang na sa musmos mo pang gulang. At ngayon ay marami ka nang narating. Marami ka nang MAS NAUNAWAAN. Nadaragdagan pa ang mga karanasan, kaalaman sa mga bagay-bagay sa Iglesia. Lahat ng iyan ay biyaya sa iyo ng Diyos. Dahil isa kang mabuting anak sa mga magulang mo dito sa lupa, at higit na masunuring anak sa magulang mo na Siyang tunay na Maylikha sa Iyo at nagbigay ng buhay.
Sa inyong dalawa, maligayang, maligayang, maligayang kaarawan ng pagsilang! Talagang meant to be kayo na mag-tandem, pati birthday, pareho! :D
Hiling ko sa Diyos na lalo Niya kayong pagpalain, sampu ng inyong buong angkan, para hindi lamang dito kayo maging maligaya na kapiling sila, kundi higit lalo na sa Bayang Banal na inaasam nating lahat na marating. Malapit na.... kapit lang, mga besh!