alam kong may kani-kaniyang kwento ang mga taong nakaranas ng bagsik ng bagyong si Ondoy. at marahil ay mas "makulay" ang kanilang kwentong karanasan. para sa isa na namang kwentong 'Ondoy', ito ang sa akin.
gaya ng nasabi ko sa naunang blog post ko, sa loob ng mahigit 17 years na paninirahan namin sa Cainta ay ngayon ko lang naranasan ang ganitong kalamidad. ang dating bahagi sa kalye namain na hindi inaabot ng tubig ay sa isang sandali lamang ay inabot ito. walang tigil ang ulan, dahilan upang magpatay ng kuryente ang MERALCO at sumunod na nawala ang linya ng telepono at panghuli ay serbisyong tubig naman ng Manila Water ang nawala.
Madaling araw akong bumangon at umalis ng bahay kinabukasan pagkatapos ng malakas na pagbuhos ng ulan noong Sabado, iniwan sa tahanan ang aking mag-ina kasama ng aking biyenan, upang tumulak sa lokal. tumambad sa akin ang mga nakahambalang na malalaking tipak ng bato. natakot ako sa bahaging daan sa tabi ng creek. giniba kase ng matinding agos ng tubig sa creek ang riprap doon at ang malaking bahagi ng bato ay humampas at pinataob ang isang kotse sa katapat na bahay. ilang bakod din ang sinira nito. sa pagmamadali kong mag mani-obra ng manibela ay hindi ko na nagawang kunan pa ng larawan ang tagpong iyon. hinahabol ko pa ang oras ng pagtupad ko. bumuwelta ako paakyat ng katabing subdivision, ang Brookside. natuwa naman ako dahil bagama't maputik ang ilang bahagi ng kalsada ay wala namang tubig. pagdating ko sa bungad ng gate nila, nawalan na ako ng pag-asang makarating sa pupuntahan ko sa tamang oras. nakaharang ang naglalakihang mga trak sa kahabaan ng Ortigas Ave. Extension at hindi madadaanan ang papunta ng Junction. hanggang leeg pa raw ang tubig sa may Bayanihan. Humanap na lang ako ng gasolinahan papunta ng Taytay dahil naghihingalo na ang tangke ng van ko. naisip ko rin, malamang marami akong magagamit na krudo sa pag-iikot at pabalik-balik na paghahanap ng madadaanan para makarating sa Village East. pagkatapos magpakarga ng krudo, bumalik agad ako sa bahay para sunduin ang mag-ina ko, at ipinasyang ilikas sila sa bahay ng biyenan ko sa Taytay. mas mataas kase ang lugar doon. kumilos agad ang mag-ina ko at ang aking biyenan para maghanda pauwi sa Taytay.
Pagkarating sa Taytay, humigop lang ako ng isang tasa ng kape at pinasyang lumusong sa kahabaan ng Ortigas Ave. Extension para makarating sa Village East:
pagbaba ng tulay ng Brookside, bumungad na ang simula ng tubig-baha. maraming mga tao na nakatayo lang, nanonood. marami rin namang tumalas na sa baha at bakas sa mga mukha nila ang matinding pagod.










sa kwento ng mga taong nakasalamuha ko, sa kwento ng mga tao na naipalabas sa telebisyon, sa kwento ng mga tao na nakita ko sa internet, maging sa nakita ko sa loob mismo ng subdivision namin, masasabi kong mapalad ako at ang pamilya ko. hindi kami lubhang naapektuhan ng bagsik ni 'Ondoy'. ibinahagi ko ang kaunting panahon at tinatangkilik para mahatdan ng malinis na inuming-tubig ang mga kakilala kong napinsala ng kalamidad na ito. gayundin, pinilit kong makaroon ng komunikasyon sa mga kakilala kong may mga kamag-anak at mahal sa buhay na nag-aalala mula sa malayong lugar. ako na ang naghatid ng balita na maayos ang kalagayan ng kanilang mahal sa buhay, at huwag na silang mag-alala.
sa trahedyang ito, nanghihinayang ako sa maraming bagay. ang diwa ng bayanihan na bumubuhay sa mga PIlipino sa ganitong mga panahon ng pangangailangan ay mas higit sanang pakikinabangan kung ang mga mamamayan ay nagalak sana ng lubos sa gobyernong siya sanang unang kumukupkop at nagbibigay ng tulong sa lahat ng sulok ng mga bayan na inabot ng trahedya. sa pakikinig ko ng balita, isa sa sikat na local celebrity ng bansa ang nakapagsabi pa ng ganito: "no offense meant ha pero kapag private institution ang kumilos, MABILIS talaga ang paghahatid ng tulong."
sa obserbasyon ko, ang gobyerno ng Pilipinas ay tila isang mababang bayan na lubog na lubog sa tubig-baha at putik. ganun kung tignan ng maraming mamamayang Pilipino ang gobyerno nito, na anumang sikap ang gawin para iabot ang tulong (na dapat naman talagang sila ang pangunahing umabot ng tulong), hindi kailanman makakaahon sa lalim ng pagkakalugmok nito sa kumunoy ng tiwala ng sambayanang Pilipino. mas nakalulungkot pang mabalitaan na ang mga nanliligaw ng boto sa 2010 elections ay naisipan pang pakinabangan sa pamumulitika ang "pagtulong" (daw) nila sa mga nasalanta ng kalamidad. sa pagtulong mo, kailangan bang nakabandila pa ang pangalan mo? hindi ko naman nilalahat ang gobyerno. may mga local governments din naman na puspusang nagtrabaho para kupkupin ang bayang kanilang nasasakupan subalit sa lawak ng pinsalang idinulot ng bagyo, kailangan pa rin ang maraming tulong.
sa kabila ng mga ito, marami ring mga non-government organizations ang dagliang nagpaabot ng kani-kanilang mga pagtulong sa iba't-ibang dako ng naapektuhan ng bagyo. isa sa maraming nagpahayag ng suporta sa pagtulong ay ang mga pinoy bloggers sa pamamagitan ng Philippine Aid dot com. masdan ang pinsalang idinulot ng bagyong 'Ondoy':
(ang mga sumusunod na larawan ay hango sa Philippine Aid dot com)











.jpg)
.jpg)




