gumugulong na naman ang mga araw at sa isang iglap, di mo namamalayan na opisyal nang papasok ang "ber" months. sana gumanda na ang panahon (malamig at di maulan). medyo naging mabilis ang Lunes ko ngayon, nagsimulang maaga upang mag-upload ng mga larawan na medyo matagal nang kuha mula sa aming kaisa-isang digital camera at ang ilan ay mula sa aking pinakamamahal na Nokia 6233, pagkatapos ay naghugas sandali ng mga bote ni boneneng at naligo rin nang mas maaga sa karaniwang oras ng pagligo, at pagkatapos ay nakipaglaro sandali kay boneneng,at saka tumulak sa opisina. mabuti at maaga akong bumiyahe dahil napuno na naman ng sasakyan ang Macapagal bridge lagpas lang ng kaunti sa tapat ng SM Marikina. pagdating sa opis ay medyo nanibago sa ayos ng mga lamesa, kaunting umusad ang mga ito sa unahan dahil niluwagan ang may bahaging likuran dahil sa dumaraming bilang ng empleyado. hmm...
kumuha ng minutes ng meeting na maagang natapos sa karaniwang meeting, sumaglit ng pananghalian, at tumulak pauwi ng bahay upang sunduin ang aking mag-ina. kasama si lalola, tumungo kami sa Philippine Heart Center upang ipatingin kung bakit si boneneng ay may halak at pagka minsan ay humihilik sa pagtulog, bagay na hindi karaniwan sa edad niyang dalawang buwan (oi, maligayang ika-dalawang buwan ng pagsilang ngayon, boneneng!) matapos ang sampung taon ng paghihintay na maka-parada (pila-pila po dahil sa liit ng paradahan sa PHC), nakapwesto rin ng puwang ang aking sasakyan at mabilis kong tinungo ang kwarto ng doktor na titingin sa baby namin. pag-akyat doon, ang inaakala kong patapos nang pagsangguni ay isa lang malaking akala. wala pa ang doktor (huli na ng isang oras at kalahati mula sa takdang oras ng kaniyang clinic schedule). kaya naghintay muli kami ng sampung taon. sulit naman pagdating ni doc, magaan ang loob namin sa kanya. mabait sya at magiliw sa pasyente. outpatient kase si boneneng namin.
matapos ilahad sa doktor ang mga puna namin kay boneneng, inihiga ito ng pedia-cardio at sinuri ang paghinga... masusing pinakinggan, harap at likod ng sanggol... negative! woohoo!!! maayos ang kalagayan ni boneneng, walang dapat ipag-alala ukol sa karamdaman sa puso, at ang halak o hilik ay bunga lamang marahil ng pag-urong ng dila kapag siya ay natutulog nang nakatihaya, o di kaya ay bunga ng nasal congestion. hinintay naming makatulog muli si boneneng at maghilik... ayun! naghilik nga at nangiti ang doktor. sa ilong daw nagmumula ang hilik at hindi mula sa dibdib nito. hayy... hindi ako eksperto pagdating sa ma pagsusuring medikal pero ang tiwala ko sa pinupuntahan naming mga manggagamot ay hindi rin naman basta-basta kong naipapasawalang-bahala. iminungkahi ng doktor na patignan namin si aya jr. sa EENT para matiyak kung ano ang nagiging tunay na sanhi ng hilik. sa ngayon, mas mainam daw na matulog ng medyo patagilid si baby o kaya ay yung karaniwang nakadapa sa may dibdib namin. siguro tama ang isang kaibigan namin: hindi pa kami sanay sa iba't-ibang kundisyon ng bata. konting pagkakaiba sa karaniwan, sangguni agad sa mga eksperto. sa isip-isip ko, ayus lang! bakit naman namin ipagsasapalaran ang kalagayan ng bata dahil lang sa kakulangan namin ng kaalaman? habang nagmamaneho nga galing ospital, naisip ko na ang perang ginagastos para sa isang sanggol ay ganun-ganun na lang kung mawala sa bulsa mo, pero nananatiling walang katumbas na halaga ang kapalit noon. pag nakita mo ang anak mong nakangiti, pilit kang kinakausap kahit hindi pa makabuo ng salita, at pakikitaan ka ng kung anu-anong porma ng mukha, bayad na lahat ng hirap at pagod mo.
tinapos namin ang araw sa pamamagitan ng family bonding, lumibot ng sandali sa mall at ipinagdiwang ang ika-2 buwan ng kapanganakan ni boneneng sa pamamagitan ng pagkain sa Wendy's. :P
Monday, August 24, 2009
huling linggo ng agosto
Subscribe to:
Post Comments (Atom)


mabuti naman at ayos ang kalagayan ni Boneneng... at talagang Boneneng ang palayaw mo sa baby niyo ha...
ReplyDelete^oo. dapat kaming mag-asawa lang ang tatawag sa kanya ng ganun pero nakasanayan na rin ng iba... "boneneng"... ang kyut di ba? hehe... palitan na lang namin pag laki nya at marunong nang mag-protesta. hahaha!
ReplyDeletenakakatuwa naman tong entry mo. talagang concerned parents kayo for little boneneng. oo cute nga palayaw niya..kahit mas mahaba pa sa totoo niyang pangalan. hehe
ReplyDeleteayos, walang problema si boneneng mo!
ReplyDeletealam mo namang alam ko ang hirap ng may sakit ang anak.
alagaan nyong mabuti yang mamanugangin ko ha.
wow wendy's. bakit kaya wendy's andami namang ibang kainan?
ReplyDelete