Hindi ko man madalas sabihin, si Nanay Fe ang isa sa naging malaking impluwensya ko sa pamumuno sa mga mang-aawit, may ilang taon na rin na niloloob ng Ama. Maging ang pinanghahawakan kong "tagline" o prinsipyo sa buhay na "All things happen with a purpose" ay isinalin ko lang mula sa madalas nyang sabihin sa aming mga mag-aaral noon na "lahat ng bagay ay may kaukulan." Higit pa sa pag-aaral ng mga pyesa ng musika, ang isa sa pinakagusto kong bahagi ng aming daily rehearsal noon sa room 124 ay ang "words of wisdom" ni nanay Fe. Hindi lamang hudyat iyon na tapos na ang sigawan sa pag-aaral ng mga kanta, kundi higit sa lahat ay oras na naman para matuto kami ng mga karagdagang aral sa buhay. Sa kaniya ko natutuhan na pwede kang magyabang ng iyong mga naabot pero nananatili ang kababaang-loob. Sa kaniya ko rin natutuhan na ang lahat ng angking talento natin na nagbibigay-daan para tayo ay kilalanin at hangaan ng ibang tao ay sa Diyos lamang marapat na ibalik ang kapurihan. Pinatibay ni nanay Fe ang pagkakilala ko sa Pamamahala ng Iglesia. Sa kanya ko na-appreciate ang pagpapagal ng Pamamahala, na halos gawin nang umaga ang gabi alang-alang sa pangangalaga ng kawan ng Diyos. Kay nanay Fe ko rin narinig na ang paglilingkod ay hindi nakapaloob sa apat na sulok ng kapilya, pero ang pagpapahalaga rito ay hindi rin matutumbasan ng kahit ano. Nakita ko syang nagalit, nag walk-out, humalakhak, umiyak. Nakasama ko sya sa kainan, liguan sa outing, road trip sa kung saang walang tiyak na direksyong pupuntahan.
Flashback
pagpasok ko ng room 124, napansin kong aligaga ang mga miyembro, maliban sa nag-recruit sa akin--- ang Glee Club total performer na si Noel Cunanan. araw pala ng audition yun. walang rehearsal. itinakda ang araw para lang sa audition ng mga mag-gi-glee club.
pagbukas ng pinto, nakita kong pumasok ang isang propesor. sa unang tingin, kung may pisikal na depinisyon ng "small but terrible," yun sya--- dire-diretsong tumungo sa kaniyang upuan para sa panata. mukhang istrikta... sobrang istrikta. nang matanaw ang buong silid, sinipat ako sa isang sulok. ibinaba pa ang salamin, binasag ang katahimikan sa silid at nagtanong: "sino yan?" na naka-titig sa akin. agad namang sinalo ni Noel ang tanong at sya namang sumagot, "recruit ko po." sagot lang ni ma'am: "hmmm..." sabay balik ng salamin sa mata at naghintay na ang lahat para sa oras ng panata.
pagkatapos ng panata ay nagbilin si ma'am na hanapin na ang mga recruit na ipapa-audition at saka pinalabas ang lahat maliban sa akin. tinanong ako: "anong course mo?" "mass comm. po," sagot ko. walang ngiti sa mukha niya at nagtanong ulit, "mass comm? anong kinabukasan mo run?" hindi na ako sumagot, ngumiti na lang ako. pagkatapos ng maikling tanungan ay pinakanta na nya ako... Will I Survive? tanong ko sa sarili ko kaya yun na rin ang kinanta ko na orihinal ng Introvoys. pagkatapos lang ng ilang linya, pinatigil ako ni ma'am, "wala akong maintindihan sa kinakanta mo. kantahin mo yung unang dalawang linya ng Maalaala Mo Kaya." sa isip-isip ko, mabuti na lang at uso na ang palabas noon ni Ate Charo. Kahit paano eh alam ko yung himig at lyrics nung kanta.
mukhang kumbinsido naman si ma'am sa kinanta kong dalawang linya. pagkatapos nun ay pinapunta ako sa harap ng piano at tumipa na sya ng mga nota. sundan ko raw yung tono. parang nagdi-drill lang sa lokal, kaya ayus naman. pero teka, antaas na ng nota.. nakita ko yung tikladang pinipindot, nasa higher fa na.
at last nakita ko na ring ngumiti si ma'am, sabay wika, "hindi ka naman tone deaf. ilalagay muna kita sa baritone para maalagaan ka ni Noel." naka-ngiti na rin ako, pero sa totoo lang, hindi ko pa alam kung ano talaga itong pinasok ko. noon kaseng elementary at high school, puro academic clubs lang ang sinasalihan ko, this time, GLEE CLUB. alam ko may kantahan pero later on, nightmare pala sa akin dahil may choreography pa na kasama, eh parehong kaliwa ang paa ko, di ba Kuya Orly?
sa susunod na tagpo, lalo kong nakilala si ma'am... "o, ano ang schedule mo kapag M-W at T-F?" "ma'am, isa lang po ang subject ko pag M-W.. pol. Sci. po ng 7:30pm." tiger look ulit sa akin si ma'am, "Ano?? isa lang subject mo pag M-W at gabi pa? ano bang klaseng schedule yan? nagsasayang ka ng araw." magalang akong tumugon, "eh, ma'am, irregular po kase ako. yung ibang subjects nakuha ko na, yung iba po pre-requisite na hindi pa po ako pinayagan i-enroll." tumayo na si ma'am sa kinauupuan, "tawagan ko nga si Sally. A.S. ka ano? teka..." du-mial sa telepono, maya-maya lang... "Sally, meron ako ditong bagong myembro, tulungan mo naman sa schedule. aba, eh isa lang ang subject kapag monday at wednesday, gabi pa? sayang naman yung oras nya. baka pwede mong dagdagan ng load... (bumaling sa akin) iho, ilang units ka ba ngayong sem? sumagot ako, "15 po." at bumalik sya sa telepono, "o, 15 units lang, baka pwede mo pang dagdagan kahit isang subject lang sa hapon mga alas-tres o yung 4:30. ano, ok ba? o sige, papupuntahin ko sya dyan sa yo." pagkatapos ng usapan nila sa phone, sinabihan nya ako na makipag-usap sa secretary ng A.S. tapos pinapunta muna ako sa room 125 para makita ang staff room... tambayan. saka tinawag si Noel. "noeeeeeeel....! o eto na sunduin mo na yung recruit mo. dyan muna sya sa section mo para matutukan mo."
^ ito ang unang araw ko sa Rooms 124 at 125. Unang araw ko sa glee club, nakita ko kung gaano ka-"powerful" si nanay Fe sa eskwelahan. Lalo na nang itawag nya sa Arts & Sciences ang pag-aayos ng schedule ko.
Concerts Lessons
![]() |
| Ako At Ang Musika after a night's performance. January 1995. |
Dito ko unang nalaman kung paano "magtrabaho" ang glee club members. Sabay ang pag-aaral at ang performances. Time management agad sa unang taon. At kapag dumalaw ang alumni, todo pa-impress sa mga ate at kuya dahil isa sa mga tinitignan nila ay ang mga bago sa grupo.
Piso-piso... isa ito sa bumubuhay sa grupo lalo na sa mga panahon ng rehearsals. Maliit na bagay kung araw-araw "isinasabuhay" pero napakalaki ng naitutulong sa panahong kailangan na ito.
Bawal sa grupo ang baha-bahagi o grupo-grupo. Bawal rin sa grupo ang magkaroon ng katipan mula sa loob. Kung uso na noon ang "bahay ni kuya," glee club na ang nauna sa napakaraming "house rules" na dapat sinusunod kung hindi, labas ka sa "bahay."
2nd major concert ko sa grupo--- Memory Lane. ito na yata ang most attended na concert. pinakamarami ring bilang ng miyembro that time. Standing Room Only. "may nakasabit na sa kurtina." puno ang gilid at pati ang hagdanan. halos katabi na ng perfomers ang audience sa harapan ng stage. itong concert din na ito ang pinakamahaba. may intermission numbers ang mga education student sa pagitan ng mga concert part. isa rito yung 'Muslim' dance na tampok ang pamangkin ni ma'am--- si Jing. last song sa repertoire: Hibang Sa Awit! kahit pagod sa mahigit 3-oras na pagtatanghal, makita lang ang audience na buhay na buhay, sige pa rin ang 101% performance level!
Dito ako nakasama sa pag-aayos ng publicity and promotions ng konsyerto. Unti-unti, nakakasama na ako sa mga usapin ng mga staff na may kinalaman sa pag-aayos ng mga bagay-bagay sa grupo.
Eighteen... ito ang 3rd major concert ko sa grupo. para sa akin, ito ang pinaka-feel good ko na concert. konsyertong inabangan ng maraming alumni at maging ng mga tagapgturo ng awit, kabilang ang UPSA director, ang Ka Ed Manguiat. Broadway-themed ang concert.
Lehitimong staff na ako ng grupo. Vice President 2. angas? Sa taong ito rin ako nabigyan ng "break" na umawit ng trio kasama sina Harold at Jontis. Malolos, Bulacan concert. Di ko malilimutan. Kasabay ng pagpatak ng ulan ng Apo Hiking Society eh pumapatak din ang pawis ko sa kahihiyan. Wala kaming feedback monitor kaya hindi nagsabay ang tinig sa minus one. Di rin naging maganda ang quality ng sound system o nung venue? hmm.. lahat na sisisihin ko wag lang kaming tatlo na kumanta. haha. Anyway, itong taon na ito ang naging grooming year ko para sa huling taon ko sa grupo...
'Yan Ang Pinoy! ang huli kong major concert sa grupo. nagsimula akong Presidente sa simula ng school year na ito pero nagka-problema ako sa schedule ng 4 na OJT ko at rehearsal sa grupo. Kasama pa ang gabi-gabing location shoots para sa telesine project. Hindi nagkasya si nanay Fe na tanggalin ako sa pagiging presidente. "Itiniwalag" pa nya ako. Ayusin ko raw muna ang priorities ko. Ramdam ko mahal nya akong anak. Ibinalik nya ako bago mag-concert. Sapat na panahon para mapangunahan ko ang produksyon. Ako ang Production Coordinator. Nasa responsibilidad ko ang lahat ng apeto ng paghahanda sa produksyon. Karangalan kong tanggapin at gampanan iyon. Dito ko natutuhan ang magbigay-daan sa mga bagong miyembro pagdating sa performance. Panahon na nila ito, sa "likod" na lang kami para umalalay, gumabay at gawin nilang sandigan sa panahong kinakailangan.
Fast Forward...
Nang huli ko syang makita nang personal noong nasa ospital pa, pinagsabihan na ako ng nurse na huwag nang magtagal sa pagbisita dahil pagod na raw ang pasyente at kailangan nang magpahinga. Nangako ako na saglit lang ako. Pero hindi ko natupad ang pangako ko sa nurse. Nang makita ako ng nanay, hindi ko mabakas ang sinasabing "pagod" nung nurse. Maraming ikinukwento si nanay. Nakangiti. Mahina sa karaniwan ang tinig at maraming inaalam sa buhay ko sa kasalukuyan. "Kumusta ang tungkulin mo, pangulong mang-aawit ka pa rin ba?" "Kumusta ang anak mo?" "Mayaman ka na ba ngayon, anak?" Agad niyang ginamit ang dinala kong bagong unan para mahigaan niya sa kama ng ospital. Hanggang sa pumasok na ang nurse at sinabihan syang iinom na ng gamot. Doon na kami nagpaalam sa isa't-isa.
![]() |
| NEU Glee Club year-end party. December 2010 |
Sa lahat-lahat... salamat, Nanay Fe.




No comments:
Post a Comment