Wednesday, October 15, 2008

bangungot ng kahirapan

naglalakihang mga malls, iba't-ibang uri ng sasakyan na nagpapasikip sa mga kalye, mga estudyanteng tambay sa mga mamahaling coffee shops... kung titignan ko lahat yan, mapapa-isip ako kung talagang mahirap nga ang bansang kinalalagyan ko sa ngayon. pero pagbaling ng ulo ko sa isang sulok ng lansangan, kahalo ng mga taong nakasuot ng signature shirts ay makikita ko rin ang mga batang narumihan na ang damit sa kalsada nang ilang araw (o buwan pa), mga buhok nilang hindi man lang madampian ng suklay, kumakatok sa bawat sasakyan upang manghingi ng limos, pangkain man o pang sugal, at ang pinakamasaklap nito--- ang ilan ay sumisinghot ng rugby. hindi ba dapat may nangangalaga sa mga kawawang batang ito? ayaw kong magturo kung sino ang may higit na pananagutan subalit hindi ko maiwasan na ibaling ang suliranin ng "kahirapan" sa pamahalaang siyang dapat na unang kumakandili sa mga mamamayang nasasakop ng pamamahala nito. oo nga't ang mga magulang ng mga batang-lansangang ito ang siyang unang dapat na umasikaso sa kanilang mga anak pero bunga na rin marahil ng mahabang taon na pagkalugmok sa kasalatan, hindi sila nabigyan ng pagkakataong maturuan ng tamang diskarte sa buhay. sabi nga ng karamihan: "kung sino pa ang mahirap, siya pang maraming anak." totoo ito. nakakalungkot tignan na sa bawat gilid ng riles ng tren, makikita ang dikit-dikit na mga kabahayan na kung huhulugan ng isang palito ng posporo na may sindi ay maaaring magliyab ito sa isang iglap. ilang parehong tanawin rin ang matatagpuan sa mga gilid ng ilog, ilalim ng tulay, at maging sa mga hangganan ng maaayos na subdibisyon at may umuusbong na mga barung-barong. ito ang larawan ng kahirapan at hindi ito basta-basta matatakasan kahit pa takpan ng malaking telon para lamang mapaganda ang imahe nito sa mata ng mga banyaga.

mahaba-habang panahon din na ako at ang aking pamilya ay nanirahan sa isang lugar na matatawag nating squatter's area. dahil sa iyon ay panahon ng kabataan ko, wala kaming maraming problemang inaatupag. at bagama't ang bahay namin ay nakatayo sa lehitimong lupa na pag-aari ng lolo at lola ko, nasa kadikit ng mga bakod naman namin ang mga bahay na pinagtagpi-tagpi ng iba't-ibang kahoy at yero. masikip. halo-halong amoy. maingay. BUHAY ang paligid.

sa tuwing lalakad kami ng mga pinsan ko sa masikip na kalye, siguradong madadaanan namin ang isang tumpok ng mga nag-iinuman na tila yata araw-araw ay hindi nauubusan ng ilalamang alak sa sikmura. sa pagdaan sa makipot na eskinita, pagnaka'y malalanghap ang amoy ng nakaka-adik na marijuana. minsa'y gigisingin ka ng mga sigaw ng nag-aaway na kapitbahay, kasabay ng kalampag ng mga nagliliparang plato at kubyertos sa maninipis na dingding ng kanilang bahay. sanayan lang yan.

ganun lang ang buhay. sisikat ang araw, abala sa kanya-kanyang gawain. madalas makikita lamang sa maghapon ang mga tao na tila naghihintay lamang sa paglubog ng araw. at pagbaba ng araw sa kanluran, buhay pa rin ang lansangan. masusumpungan ang mahihinang ilaw ng bawat barung-barong at laksa-laksang kabataan na hindi magkamayaw sa paglalaro sa kalsada. may ilang mga nakikita ako na nakabihis ng magara, subali't sa barung-barong din nakatira. kaya minsan na ring sumagi sa isipan ko: hindi kaya ang kahirapan ay bunga lamang ng maling pagpapahalaga sa buhay? hindi kaya ang kaginhawahan ay makakamit sa pamamagitan ng tamang prayoridad? maaari namang umahon sa kahirapan kung itutuon lamang ang isip ukol rito. ito ay napatunayan na rin ng maraming matagumpay na tao sa kasalukuyan na kung uusisain ang pinagmulan ay natupad sa kanila ng literal ang kasabihan sa wikang ingles na: "from rags to riches."

may ilang tao na rin akong nalaman ang kanilang kwento sa buhay. isa rito ay ang kwento ng isang binata na namasukan bilang tagalinis sa isang tanggapan. bagama't salat sa kaalaman, hindi siya nagkasya sa ganung gawain lamang, inalam niya ang iba pang gawain sa tanggapan na pinapasukan at unti-unting pinagyaman ang kaalaman. napuna ng mga tagapanguna sa tanggapan ang angkin niyang kasipagan at nakita ang lubos na pagsisikap sa mga gawain. inilagay sya sa isang posisyon sa opisina. nag clerk. at dahil sa pagsusumikap niya, tumaas pa ang kanyang posisyon. dahil sa karanasang ito at pakikipag-usap na rin sa iba't-ibang tao, natuto siyang makipag kalakalan. sa ngayon ay marami siyang natutulungang tao, naipapasok sa tanggapan ng kaniyang mga negosyong naipundar bunga ng pagsisikap at pagtitiyaga.

ang kahirapan. hindi ito mawawala kung hindi magbabago ang pananaw natin dito. dahil sa ang tao ay may kani-kaniyang buhay, ang awa ay nakalaan lamang sa mga paralisadong nilalang. habang may buhay ay may pag-asa. kailangan lamang nating kumilos, abutin ang mga pangarap at maging maligaya sa bawat pagpapasya na ating ginagawa sa buhay natin. sa ganitong paraan, hindi man tayo sagana sa buhay at masasabi nating natakasan na natin ang bangungot ng kahirapan.

- - - - - - - - - -
ang lathalang ito ay aking alay para sa Blog Action Day

4 comments:

  1. talagang umiikot lang ang gulong ng buhay. masakit man tanggapin na di lahat ay pantay-pantay, di dapat ito maging hadlang na laging nasa ilalim na lang dapat. mabuhay ka kaibigan.

    malapit na bang maging tatay?

    ReplyDelete
  2. salamat po sa pagbigay ng iyong pananaw. :)

    sa usaping pagiging tatay, dito sa blog mo rin malalaman kung kailan ;)

    Pahabol: buti naka-ON na yung "following" feature ng blog mo. dahil dun, nasusundan ko na ang mga posts mo. hehe... nga pala matagal ko nang gustong sabihin sa yo na tila hindi ka pa nagagawi sa magandang lalawigan namin sa Rizal? o baka hindi mo lang naiba-blog? :P

    ReplyDelete
  3. oo nga naman, hindi dapat gawing dahilan ang kahirapan parang hadlang sa pangarap na umasenso ang buhay. Tutal naman, binigyan tayo ng Diyos ng tamang kapasidad para mag-isip at kumilos ng dapat.

    ReplyDelete
  4. ^ opo. minsan hindi lamang naiisip ng mga tao yun kaya nalulugmok sa kahirapan.

    ReplyDelete

Related Posts with Thumbnails