Tuesday, October 23, 2007

isang maagang paalala

halos mag-iisang taon na ang nakakalipas nang mabiktima ng "taxi gang" ang aking ina, kasama ang isa niyang kaibigan. tinignan ko sa isang blog ko ang eksaktong petsa, nobyembre 23 nang mangyari ito:

sa mataong lugar sa Greenhills, mula sa pamimili sa pag-iikot sa Virra Mall, si inay at isa pang kaibigan ay pumara ng taxi pauwi dito sa bandang Marikina. may tumigil naman para isakay sila at kataka-taka (subalit nakakatuwa naman), hindi na ito nakipagtalo kung saan sila pupunta tulad ng "naku ma'am matrapik po dun eh susundo po ako sa banda rito..." yun bang mga ganung tipo. sa madaling sabi, umupo na sa likuran ang magkaibigan at medyo natuwa dahil sa karamihan ng tao, madali silang nakasakay ng taxi. mga bandang alas-singko ng hapon, simula na ng rush hour. pagkasakay, nagsalita ang driver (na medyo may katandaan na raw sa gulang) "usog ho kayo banda rito sa kaliwa (driver side) dahil malambot yung gulong ko dyan sa may likod sa kanan." si inay na nasa gawing kanan ay napunta sa gitnang bahagi ng upuan dahil nga sa pakiusap nitong manong tsuper. ang kaibigan ni inay ang nasa gawing kaliwa sa may pintuan. ilang metro lamang, sa hindi malamang pangyayari ay may sumakay na dalawang lalaki sa taxi na kanilang sinasakyan. ang isa ay sa harapan umupo at ang isa ay sa tabi ni inay.

naging mabilis ang mga pangyayari bagama't mabagal ang daloy ng trapiko. kinausap sila nung dalawang lalaki habang ang suspetsa nina inay ay si manong tsuper ang "mastermind" dahil sa siya ang pinaka may gulang sa tatlo at halata namang "sinet-up" silang magkaibigan. mahina lang ang loob nung kasama ni inay dahil ayon kay inay, kung siya ang nasa tabi ng pintuan ay pangangahasan niyang lumabas at gumulong sa kalsada (EDSA kung saan sila idinaan patungong quezon city at mabagal ang daloy ng trapiko) upang makaagaw ng atensyon sa iba pang motorista. pero hindi na nila ito nagawa.

dinala sila sa isang ATM sa mapagbirong pagkakataon, doon mismo sa branch na kinalalagyan ng savings ni inay. pinilit na isama si inay nung isang lalaki at pinag-withdraw ng maximum withdraw-able amount sa kanyang ATM card. pinayuhan nung mga lalaki na huwag na silang manlaban kung ayaw nilang masaktan.

pagkatapos ng pangyayari (makuha ang pera at cell phones) binigyan lamang sila ng pamasahe pauwi at pinakamabuting nangyari ay pinalaya na sila at iniwan nang hindi sinasaktan.

- - - - - - - - - - - -

naulit ang pangyayaring ito. sa ibang tao naman, kamakailan lamang. kinuwento ito ng isang kaibigan ni inay sa kaniya kagabi at nagulat si inay dahil parehong-pareho ang modus operandi ng nasabing taxi. medyo may kamalasan nga lamang, hindi pinakawalan ang biktima ng may ilang araw hangga't hindi nauubos yung laman ng kaniyang ATM card. grabe. tinanong ko si inay kanina "hindi ba nahuli yung driver bakit nakalabas na naman yan?" sabi niya, "hindi naman nahuli yung driver eh. yung kasamahan lang nya. eh yung river ang mastermind nun dahil sya yung nag-uutos dun sa dalawang mas bata sa kaniya."

naalala ko kase, ilang araw matapos ang pangyayari noong nakaraang taon, ini-report nina inay ang naganap na iyon sa pulis at kinumpirma (ibig sabihin, alam) ng mga pulis ang ganoong operasyon ng taxi na iyon. matapos kuhanan ng pahayag, ilang araw pa ay muling ipinatawag si inay at ang kaibigan niya sa isang presinto upang kilalanin ang mga suspek na diuman'y nahuli ng mga pulis.

pagdating sa presinto, may isang babaeng galit na galit na nabiktima rin (subalit nang maganap sa kanya iyon ay nakaranas sya ng kaunting physical abuse mula sa panlalaban sa mga holdaper) kaya marahil sya itong init na init gumanti sa mga nahuli. kinilala nila ang mga suspek at ipinaubaya na sa mga alagad ng batas ang mga sumunod na hakbang.

kanina ko lang napag-alaman na hindi rin daw naikulong ang mga suspek due to lack of evidence huwaaat???

- - - - - - - - - - - -

para sa lahat ng tao na minamahal ko, mapa-kamag-anak, kaibigan, blog reader, at syempre sa kaisa-isa kong beh beh na minsan ay sumasakay rin ng taxi, narito ang ilan sa tips upang maiwasan na mabiktima ng taxi gang na ito:

1. walang malinaw na pangalan ang taxi (bagama't may plate number ito) hindi nakasulat ang pangalan at plate number sa loob ng taxi. dapat ay nakasulat ito, di ba? pati contact number ng may-ari.

2. kapag pina-usog kayo ng upuan at dinahilan ang lambot ng gulong, magduda na kayo.

3. laging mag-lock ng pintuan (subalit gayun pa man, kung power lock ang taxi ay wala ring gaanong maitutulong ito dahil kontrolado ng driver ang locks)

4. ilang metro mula pagsakay ninyo ay tila may hinahanap sa paligid ang driver, at marahan itong magpatakbo ng kaniyang minamaneho.

sa mga nabanggit na tip, dapat ay maging gising tayo sa pakiramdam sa mga palatandaang ito. hindi masamang pumara at lumipat ng sasakyan kung may kakaiba kayong nararamdaman. magdahilan nang maayos at hindi halata, huwag mag panic, dapat ay laging buo ang isipan sa lahat ng pagkakataon, at makabubuti kung uugaliing magbaon ng tear gas lalo na sa panig ng kababaihan bilang self defense sa ganoong mga panahon na ng kagipitan.

malapit na ang bigayan ng "biyaya" mula sa mga employers. mag-ingat at masigla na naman sa pambibiktima ang mga taong ito.

7 comments:

  1. marami talagang manloloko sa mundo. kailangan talaga ang ibayong pag-iingat. ngunit kung minsan, kahit gaano ka mag-ingat ay dumarating talaga ang mga di inaasahang pangyayari kaya wala tayo magagawa kundi magdasal na lamang at sana ay manatiling buhay dito sa mundong ating ginagalawan.

    linked you. hope its ok.

    ReplyDelete
  2. hi lawstude. salamat sa pagdaan. :)

    tama ka, kailangan natin ang ibayong pag-iingat dahil kung minsan, hindi lamang sa masasamang tao ka mangingilag, maging sa mga tao na dapat sana ay unang nagtatanggol sa iyo sa panahon ng kagipitan.

    ReplyDelete
  3. Maraming salamat sa paalala. Ugali ko na ang mag-lock ng pinto, pero tama ka, wa epek din yun kung auto-lock.

    Hmm. Tama kayang bumili na ako ng baril? :-)

    ReplyDelete
  4. buti na lang hindi naman ako nag tataxi [well hindi naman uso taxi dito sa lugar namin hehe]
    pero totoo nga na maraming tusonh driver lalo na pag na sense nilang hindi maalam sa Manila yung nasakay sa kanila

    ReplyDelete
  5. aryo baril? parang nakakatakot naman yan. paano, araw-araw nakasukbit sa baywang mo? *nginig*

    jecoup isang payo, kung hindi ka sanay mag-taxi sa Maynila, mas makabubuting sumakay ng jeep. magtanong-tanong na lang kung paano ang pagtungo sa pupuntahan, kung anu-anong jeep ang lilipatan at sasakyan. :)

    ReplyDelete
  6. @tukayo, thanks dito. ako kaugalian ko na mag taxi diyan nung nasa pinas ako sa takot na masubugan sa MRT o bus.

    regarding sa baril, lol, tried target shooting last weekend dito. hehe. makabili nga at magamit sa mga driver na yan.

    ReplyDelete
  7. tukayo galante ka! pataxi-taxi ka pala pag nandito ha. hehe... ako kuripot eh. hangga't nakakapag jeep or bus, yun lang sinasakyan ko. o kay FX. hehe.. pero delikado rin FX ngayon. lahat yata delikado na. maglakad na lang tayo.. hahaha good luck naman! :P

    ReplyDelete

Related Posts with Thumbnails