FPJ sa 2004?
Matunog na matunog na ang May 2004 Elections sa Pilipinas. Pinakamalungkot sigurong balita na matatanggap ko ukol rito ay ang kumpirmasyon ni Fernando Poe Jr. na siya ay tatakbo sa pagka Pangulo ng bansa.
Una nang ipinahayag ni Da King na wala syang balak pumasok sa pulitika. Oo nga naman. Ni pagka-alkalde yata, wala syang karanasan, tapos, Pangulo pa? Ngayon, marahil dala ng peer pressure, tila yata nagbabago ang ihip ng hangin. Napakabait pa namang tao nito, hindi makatanggi sa mga kaibigan. Nakupo!
Sa PEx, sa LAFI Forum, halos itong mga threads ukol sa Presidentiables ang binababaran ko. Maraming di sang-ayon sa pagtakbo ni FPJ, tulad ko, pero may pangilan-ngilan namang sumusuporta rin sa kanyang kandidatura. Sa puntong ito ay nag-isip ako. Hindi ba dapat, iisa lang ang hangarin ng bawat Pilipino? At ito ay ang mapaunlad ang bansa, maiangat ang uri ng pamumuhay at maging matiwasay ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino? Di ba, ito rin dapat ang hangad ng Pangulo ng bansa?
Medyo lumilitaw lang ang negatibong ugali ng mga Pilipino pagdating sa isyung ito. Ang pagpili ng kandidato. Kanya-kanyang manok. Natural lang yun, pero para sabihan mong bobo ang boboto sa isang kandidatong ganito, o ganun, sa tingin ko'y hindi ito wasto.
Una, sinong kakandidato ang walang maruming rekord at hindi nagkakamali?
Pangalawa, sinong botante ang masasabi mong matalino at mangmang?
Pangatlo, ang ibinoto ng karamihan, naglalarawan ng pagtitiwala ng karamihan sa taong ito. Mas maraming may tiwala, dapat mas madali ang pakikipag-kaisa sa lahat ng programa ng naihalal.
Pang-apat, kung ayaw mo ang nanalo, anong magagawa ng pagrereklamo mo at pagsigaw ng laban sa taong yun? Paalisin sa pwesto? Sige, at pagkatapos, sino ang maghihirap? Ikaw? hinde. ang buong bansa. Bakit kase hindi ka na lang makiisa sa layunin ng pamahalaan at kung hindi ka pa rin sang-ayon, isaalang-alang mo na lang ang bansa sa kabuuan.
Naging halimbawa na ang pagpapatalsik kay Erap. Mula sa pagkakahalal sa kanya, hanggang sa pagpapatalsik, sino ang nagdusa? Ang mga Ejercito? And mga Arroyo? Ang mga mahihirap? Di ba ang nagdurusa ngayon ay ang buong bansa? Ang hirap kase sa atin, maraming "magagaling". Puro salita. Marahil ganyan rin ang mangyari pag nahalal si FPJ sa pwesto.
Kailan ba tayo matututo? Sa pananaw ko, ang ikauunlad ng bansang Pilipinas ay wala sa Pangulo kundi nasa mga mamamayan nito. Bakit kaya hindi, subukan lang natin. Kung sinoman ang maluklok bilang pangulo ng bansa natin, suportahan ng bawat isa. Sabi nga ng isang quotation: "United we stand, divided we fall." ang siste kase, lagi tayong nasa "DIVIDED WE FALL". Kailan ba tayo nagkaisa upang makabangon sa pagkakalugmok? Kailangan pa ba ulit natin ng isang "diktador" upang mangyari ito? Kailangan pa ba natin muli ng isang malakas na lindol o isa pang pagsabog ng Mt. Pinatubo para magkaisang muli?
Sana... ang panibagong pagkakaisa ng mga Pilipino ay magsimula pagkatapos manumpa ng bagong Pangulo nito sa ika-30 ng Hunyo, 2004. Sama-sama tayo... Let us make this nation great... again.
Wednesday, October 22, 2003
story told by
aajao
at
11:27 pm
Subscribe to:
Post Comments (Atom)


No comments:
Post a Comment