inantok na ko kagabi sa kahihintay ng LIVE coverage ng GMA 7 ukol sa inauguration at oath taking ni US President Barack Obama. saliwa kase ang oras ng Washington at Manila kaya dis-oras na ng gabi madaling-araw nang ipalabas ito sa telebisyon.
nakakaaliw lang pansinin na halos buong mundo ang nakatutok sa kaganapang ito, at medyo napailing lang ako ng kaunti sa nakita ko sa internet na marami-rami ring pinoy ang sabik na masilayan ang makasaysayang panunumpa na ito ng ika-44 na pangulo ng Estados Unidos. napailing ako dahil naramdaman ko na mas proud ang mga Pilipino na tanggapin si Obama bilang pangulo ng bansa niya, kaysa tanggapin si pangulong GMA bilang pangulo ng bansang Pilipinas. di ko tuloy maalis na balik-tanawin ang EDSA Dos kung saan naluklok sa pagka-Pangulo si GMA. hmm... malayo eh. iba ang pagtanggap ng buong bansa ng Estados Unidos kay Obama kaysa pagtanggap ng buong Pilipinas kay pangulong GMA. hindi ko tuloy maalis ang kaunting inggit sa Amerika. Sa kanila kase, kapag natalo ka sa eleksyon, sumusuko ang oposisyon alang-alang sa pagkakaisa ng buong bansa. Dito kase, kung hindi ka nanalo, malamang ikaw ay nadaya at kaagad nagkakaroon ng karapatang magmartsa sa EDSA Shrine at doon manguna ng protesta. naitanong ko tuloy sa sarili ko, kailan kaya tayo magiging mature sa pulitika?
isa sa nakatawag ng pansin pa sa akin, na sana ay sumuot sa kalamnan ng maraming nanunungkulan sa gobyerno ng Pilipinas, ay ang bahagi ng talumpati ni Obama na tumutukoy sa mga lider ng bansa na nananatili sa kapangyarihan dahil sa korupsyon. narito ang excerpt ng kanyang talumpati sa bahaging iyon:
(hango sa rightpundits.com):
"To those leaders around the globe who seek to sow conflict, or blame their society’s ills on the West - know that your people will judge you on what you can build, not what you destroy. To those who cling to power through corruption and deceit and the silencing of dissent, know that you are on the wrong side of history; but that we will extend a hand if you are willing to unclench your fist."
nang manalo sa bilangan si Obama, isa si pangulong GMA sa mga nagpaabot ng pagbati sa una sa pamamagitan ng pagtawag sa Estados Unidos. may ilang beses din siyang tumawag sa kadahilanang hindi nya makausap ang bagong African-american president nang mga panahong iyon. ngayon, parang hinangad kong makausap niya si Obama ng personal, harap-harapan, at sabihing muli ni Obama sa kanya ang "paala-alang" iyon. dalawa lang naman ang magiging reaksyon ni pangulong GMA eh: 1) umaray kung guilty; 2) sumeryoso kung hindi guilty... ay may isa pa pala: 3) ngumiting tila aso kung guilty pero kunyari hindi guilty.
sa tingin ko, malaki-laking gamutan ang pagsasaayos at paglilinis ng pulitika sa Pilipinas. kung ako lang ang masusunod, una kong bubuwagin ang Sangguniang Kabataan. kase dito nagmumula ang pagkatuto ng mga Pilipino sa korupsyon. sabi nga nila, kung ano ang ituturo mo sa kabataan, hindi niya ito hihiwalayan hanggang pagtanda niya. kaya marahil ganito na rin ang kalakaran sa mga baranggay. hindi ko nilalahat pero hina-halos lahat ko. at minsan gusto kong maniwala sa sinasabi ng ilang mga Pilipino. ang mga tunay na magnanakaw ay hindi yaong mga akyat-bahay na nakakakuha lamang ng pang-isa o dalawang araw nilang pagkain sa pangunguha ng hindi kanila, kundi yaong mga nasa pwesto ng gobyerno na big time kung magbulsa ng kaban ng buong bayan.

sige nga, aling ahensya ng pamahalaan ang masasabi mong hindi corrupt? at kahit saan ka lumingon ngayon, hindi na itinatago ang pangongotong. ano bang magagawa ni Juan Dela Cruz? pudpod na yata ang talampakan sa kaka-protesta sa lansangan at kung saan-saan, wala namang nagbabago. kailan kaya natin magagawa ang totohanang pagbabago? kailan kaya darating ang isang "Obama" sa Pilipinas upang magbigay sa atin ng isang tunay na pag-asa? kailan kaya tayo magkakaroon ng lider na buong puso nating tutulungan at rerespetohin? sino ang tagapagligtas ng Pilipinas? naipanganak na kaya siya?