Isang linggo na ang nakakalipas nang mapanood ko sa sinehan ang pelikulang mula kay Jerrold Tarog--- ang Heneral Luna. Nabanggit ko sa isang komento sa isang social networking site na nainis ako pagkapatos mapanood ang pelikula.
Hindi na ako makikisawsaw sa isyu na tila naging highlight ng pagpapalabas nito: ang tinanong ng isang estudyante (at naging komento ng napakaraming sumakay sa isyu) ukol sa hindi pagtayo ng karakter ni Apolinario Mabini sa buong kahabaan ng pelikula.
Inaamin ko na hindi rin ako gaanong maalam sa kasaysayan ng Pilipinas. Kung mayroon man sa napakaraming pakikipaglaban natin sa kalayaan ang pinaka-tumatak sa isipan ko na itinuro sa akin sa paaralan, ito na sigurado ang mga panahon nina Gat. Jose Rizal at Andres Bonifacio--- ang huli bilang nakapanig sa mas mabilis at mas maingay na kilusan habang ang una ay pinili ang mas tahimik na paghihimagsik laban sa mga dayuhan.
Si Heneral Antonio Luna ay mas nakilala ko lamang ngayong napanood ko ang pelikula. Sa likod ng pangalan na nababasa ko lang sa mga aklat-kasaysayan noon, tulad nina Apolinario Mabini, mas napakilala ng pelikula ang karakter at paninindigan ng mga bayani noong panahon ng unang republika ng Pilipinas. At hindi lang mga bayani ang nailantad ng kwentong ito kundi maging ang mga maituturing nating "nagtaksil" sa inang bayan.
Maganda ang produksyon sa kabuuan. Hindi nakakabagot, hindi nakakainip. Sa sarili ko lang na pananaw, mas epektibo marahil na naitawid ang mensahe kung hindi gaanong nahaluan ng 'komedya' ang pagsasakatuparan ng pelikula. Marahil ay pilyo lang talaga ang bayaning heneral pero obserbasyon ko sa mga kasabay kong nanood (na karamihan ay mag-aaral), tila naaagaw ang atensyon nila ng parteng nagpapatawa kaysa malalim na mensahe na dapat itawid sa mga manonood. Hindi na rin ako magpapaka-teknikal. Para sa akin, sapat nang naipakita ang mga "dugo" na dumanak maging ang ilang ulo na "sumabog" para mailarawan kung gaano ka-grabe ang sitwasyon sa panahon ng gera. Hindi na mahalaga kung gaano ito ka-natural kapag nakita o sinuring mabuti.
Sa pelikula ay hinangaan ko nang lubusan ang paninindigan ni Heneral Luna. Kung paano niya sinasagupa nang buong tapang ang bulok na sistema ng kasalukuyang gobyerno ng bansa. Kung gaano kasigasig niyang nilalabanan ang makasariling ugali at pagkakani-kaniya ng mga Pilipino na silang dapat unang nagkakaisa para sa kapakanan ng sariling bayan.
Ito ang dahilan kung bakit ako nainis pagkatapos mapanood ang produksyon--- dahil ang sakit nating mga Pilipino mula pa noong unang republika (o marahil mas nauna pang panahon) ay siyang sakit pa rin natin ngayon at tila mas lalo pang lumala. Ano nga ba ang magtutulak sa atin para ganap na maisulong ang kapakanan ng buong bansa natin at hindi tayo magkani-kaniya? "Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili?"--- ang mga katanungang hindi madaling sagutin ng karamihan sa ating mga Pilipino. Marahil madaling sabihin ang pipiliin pero ibang usapan na naman kung ito ay gagawin na. Sa ganitong mga pelikula ay pansamantalang napupukaw ang damdamin nating makabayan pero paano natin pananatilihin ang alab ng damdaming ito hanggang sa makamit na nga natin ang isinisigaw ng alab na iyon sa kalooban natin? Madaling mag-isip. Madaling mangarap. Pero gaano nga ba kahirap isakatuparan ang pangarap natin bilang isang lahi at isang bansa?
- - - - - - - - - - - -
Mga linyang tumatak sa isipan ko mula sa pelikulang Heneral Luna:
"May mas malaki tayong kalaban sa mga Amerikano--- ang ating sarili."
"Ganito ba talaga ang tadhana natin? Kalaban ng kalaban, kalaban ng kakampi? Nakakapagod."